Patuloy na pinag-aaralan ng Traffic Enforcement Unit o TEU ang mga hakbang upang mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Lungsod ng Santiago, partikular sa mga pangunahing intersection.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Melchor Aggabao Jr., Chief ng TEU-Santiago, sinabi niyang may mga pagkakataon na biglaang bumabagal ang daloy ng trapiko na nagdudulot ng pagkaantala sa biyahe ng mga motorista.
Aniya, kabilang sa kanilang tinututukan ang mga pangunahing daanan papasok at palabas ng lungsod, kung saan limitado ang rutang dinaraanan kaya nagiging bottleneck ang ilang intersections.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang TEU sa Department of Public Order and Safety (DPOS) upang maglatag ng mga konkretong solusyon, kabilang ang planong paglalagay ng lane separators upang mapabuti ang daloy ng trapiko.
Ipinaliwanag ni PMaj. Aggabao na sa kasalukuyan, ang mga four-lane roads ay nagagamit lamang na parang dalawang linya dahil sa hindi maayos na daloy ng mga sasakyan.
Inaasahan namang makatutulong ang mga naturang hakbang upang maging mas organisado ang galaw ng trapiko sa lungsod.
Samantala, nagpapatuloy ang pag-aaral at konsultasyon ng mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga solusyon sa lumalalang problema sa trapiko.










