--Ads--

Paiigtingin ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng paggamit ng outer lane para sa mga tricycle at iba pang slow-moving vehicles sa mga pangunahing kalsada ng Santiago City.
‎
‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ Melchor Acosta Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit (TEU), sinabi nito na nakipag-ugnayan na sila sa mga presidente ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) upang mas mapalakas ang koordinasyon sa implementasyon ng naturang patakaran.
‎
‎Ayon kay PMAJ Aggabao, bubuo ng group chat na kinabibilangan ng TEU at mga lider ng TODA upang mapadali ang komunikasyon at agarang matugunan ang mga isyu sa kalsada.
‎
Layunin nitong matiyak na mananatili sa outer lane ang mga tricycle, lalo na sa mga four-lane at national highways sa loob ng lungsod, upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
‎
‎Gayunman, aminado ang opisyal na nagiging hamon sa pagpapatupad ang mga nakaparadang sasakyan sa outer lane, na nagiging dahilan upang mapilitang pumagitna ang mga tricycle.
‎
Dahil dito, nagsasagawa na ng clearing operations ang mga awtoridad upang alisin ang mga sagabal at matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng trapiko.
‎
‎Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Public Order and Safety (DPOS) upang suportahan ang mga hakbang sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa kalsada.