--Ads--

Handa na ang Schools Division Office (SDO) Isabela para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 8, 2026 matapos ang matagumpay na pagsasagawa ng Brigada Eskwela sa mga paaralan sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Normando Orias, Social Mobilization and Networking/Brigada Eskwela Focal Person ng SDO Isabela, sinabi nitong nagsagawa sila ng monitoring sa iba’t ibang distrito at paaralan sa huling araw ng Brigada Eskwela at nakita nila ang mataas na antas ng kahandaan at pakikiisa ng mga magulang, guro at iba pang stakeholders.

Ayon kay Ginoong Orias, napakarami ng mga katuwang ng Department of Education sa isinagawang Brigada Eskwela, kabilang ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), mga magulang, lokal na opisyal at iba pang sektor ng komunidad na naglaan ng oras, serbisyo at donasyon para sa pagsasaayos ng mga paaralan.

Sinabi rin niya na wala pa naman silang natatanggap na reklamo kaugnay sa pangongolekta ng pera mula sa mga magulang dahil mahigpit na ipinatutupad ng DepEd ang “No Collection Policy.”

--Ads--

Aniya, nakatuon ang Brigada Eskwela sa paglilinis, pagkukumpuni ng mga pasilidad at paghahanda ng mga kagamitan upang matiyak na ligtas, maayos at kaaya-aya ang kapaligiran ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase.

Nagpasalamat naman si Orias sa lahat ng mga partner at stakeholders, kabilang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, mga magulang at mga indibidwal na nagbigay ng donasyon at suporta para sa pagpapaganda at pagsasaayos ng mga paaralan.

Nanawagan din siya sa mga mag-aaral na patuloy na pangalagaan ang mga pasilidad at kagamitan sa kanilang mga paaralan upang mapanatiling maayos at kapaki-pakinabang ang mga ito para sa kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon ng mga estudyante.