--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadakip sa Cabarroguis, Quirino Province ang isang security guard na bumaril sa manager ng kanyang binabantayang establishimento sa Cordon, Isabela.

Ang biktima na nasa maayos nang kalagayan ay si Roger Cristobal, 28 anyos, at residente ng Mabini, Santiago City.

Lumabas sa imbestigasyon ng Cordon Police Station na ang suspek na security guard ay isang menor de edad na itinago sa pangalang Rodz na residente ng San Juan, Quirino, Isabela at kasapi ng QUEROS Security Agency.

Nadakip ang suspek ng mga kasapi ng Cabarroguis Police Station at nabawi sa kanyang pag-iingat ang isang cal. 38 na baril na may 5 bala at motorsiklo na ginamit sa kanyang pagtakas.

--Ads--

Una rito, nagalit umano ang suspek matapos sitahin ng biktimang si Cristobal na huwag matulog sa kanyang binabantayang establishimento.

Unang nagwarning shot ang security guard bago binaril ang biktima na tinamaan sa ibabang bahagi ng kanyang katawan na agad dinala sa pagamutan.