Pinalakas ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang seguridad ng mga turista sa pamamagitan ng pagbuo ng Isabela Tourist Police Unit na tututok sa kaligtasan at seguridad ng mga bumibisita sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joanne Maranan, Provincial Tourism Officer, sinabi nitong mayroon nang 35 na na-activate na tourist police personnel na ide-deploy sa mga pangunahing destinasyon ng mga turista at sa mga lugar na dinarayo ng maraming bisita.
Ayon kay Maranan, kabilang sa mga paglalagyan ng tourist police ang mga paliparan, Abuan River, Meraki Garden at iba pang pangunahing tourist destinations sa lalawigan. Magde-deploy din ng mga tourist police sa malalaking pagdiriwang at mga espesyal na aktibidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga bisita.
Aniya, nakatuon ang tourist police sa pagbibigay ng seguridad at asistencia sa mga turista, VIPs at iba pang mga panauhing dumarating sa Isabela, katuwang ang iba pang kapulisan sa tuwing may malalaking pagtitipon.
Sinabi pa ni Tourism Officer Maranan, na mayroon nang dalawang batch ng pagsasanay para sa mga tourist police at nakaplano pa ang karagdagang mga training upang madagdagan ang bilang ng mga tauhan sa programa.
Dagdag niya, matagal nang may tourist police units sa iba pang lalawigan kaya hinangad din ng Isabela na magkaroon nito, na sa wakas ay naisakatuparan matapos ang dalawang taong paghahanda.
Katuwang ng Provincial Tourism Office ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pagpapatupad at pagpapalakas ng naturang programa.











