Ipinagtanggol ni Sen. Panfilo Lacson ang kanyang posisyon kaugnay sa mga senador na hindi pumirma sa committee report ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects sa bansa.
Ayon kay Lacson, bagamat hindi katanggap-tanggap ang hindi pagpirma sa isang lehitimong dokumento ng Senado, naiintindihan umano niya ang desisyon ng ilang mambabatas dahil sa tinatawag na “human factor.”
Kasama si Sen. Rodante Marcoleta sa irerekomendang maimbestigahan ng komite kaugnay ng umano’y budget insertions at kickback sa flood control projects.
Binanggit din niya na may mga bagong developments na lumitaw matapos ang naunang pagdinig noong Pebrero 11, kabilang ang isyu na may kaugnayan kay Sen. Jinggoy Estrada at sa umano’y ₱355 milyong halaga ng mga proyekto.
Inihahanda na ni Sen. Lacson ang transmittal letter sa Office of the Ombudsman para maibigay ang mahahalagang impormasyon sa kanilang imbestigasyon sa umano’y flood control scam.
Sa ngayon, pitong senador na ang lumagda sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee.
Aniya nasa Department of Justice at Ombudsman na ang pagpapasya kung sino ang dapat kasuhan batay sa mga ebidensyang kanilang matatanggap at makakalap sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.










