--Ads--

Nagpahayag ng pagkadismaya si Committee on Public Services Chairperson Sen. Raffy Tulfo sa Boss Ironman Endurance Challenge dahil sa dami ng paglabag sa batas trapiko at aksidenteng kinasangkutan ng mga kalahok.

Sa pagdinig ng Committee on Tourism, ipinakita ni Tulfo ang mga video na nagpapakita ng mga participant na lumalabag sa red light, nagko-counterflow, at nasasangkot sa banggaan sa ibang motorista.

Kinuwestiyon ng senador kung may tamang skills assessment ang organizer para matiyak na kwalipikado ang mga riders at may sapat na kaalaman sa traffic rules at kaligtasan sa motorsiklo.

Ayon kay Tulfo, walang problema kung nakakatulong ang pagmomotorsiklo sa turismo at charity, pero nag-aalala siya sa dami ng nasasaktan, nasusugatan, at naaabala sa kalsada dahil sa event.

--Ads--

Nilinaw niya na maaring endurance ride lamang ang layunin ng event, ngunit base sa mga report, nagiging parang karera ito, may pustahan, at may sangkot pang pulitiko.

Wala naman umano masama kung gawing karera ang ride, basta ito ay isasagawa sa tamang venue, walang maaabala, walang pedestrian, at prayoridad ang kaligtasan ng lahat ng kalahok.