--Ads--

Magpapasya ngayong Lunes, Hulyo 20, ang Senate impeachment court kung pagbibigyan ang mosyon ng prosekusyon na magpalabas ng subpoena para makuha ang bank at tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Ayon sa impeachment court, pag-aralan muna ng senator-judges ang mosyon matapos marinig ang panig ng prosekusyon at depensa.

Sa isinagawang caucus noong Biyernes, tinalakay ng mga senador ang kahilingan ng prosekusyon, habang sinabi ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero na kailangan pa itong masuri dahil hindi pa lahat ng senador ay natatapos basahin ang mga memorandum na isinumite ng magkabilang panig.

Ayon kay Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, ang mga senador lamang na dadalo sa sesyon ang makaboboto sa mosyon.

--Ads--

Aniya, kailangang makakuha ng hindi bababa sa 11 boto ang senado upang maipasa ang mosyon.

Samantala, umaasa ang House prosecution team na pagbibigyan ng impeachment court ang kanilang kahilingan.

Ayon kay Atty. Benjamin Tolosa Jr., tagapagsalita ng prosecution panel, matibay umano ang kanilang basehan sa paghiling na maisumite ang mga dokumento.

Iginiit din niya na ang impeachment proceedings ay kabilang sa mga exceptions sa bank secrecy laws, kaya maaari umanong hilingin ang naturang mga record bilang bahagi ng paglilitis.