--Ads--

Inihain at opisyal na isinilbi ngayong Miyerkules ng Senate impeachment court ang writ of summons laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng impeachment complaint na isinampa laban sa kanya.

Pinangunahan ni Senate Sergeant-at-Arms Officer-in-Charge Manuel Parlade ang pagsisilbi ng summons. Kinumpirma naman ng Office of the Vice President (OVP) na natanggap nila ang naturang summons dakong alas-10:40 ng umaga.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 39 o Rules of Procedure on Impeachment Trial, mayroong sampung araw si Duterte mula sa pagtanggap ng summons upang magsumite ng kanyang pleadings, at hindi na ito maaaring palawigin. Inaatasan din siyang humarap sa impeachment court kapag ipinatawag ng Senado.

Samantala, bibigyan naman ng limang araw ang prosecution panel upang magsumite ng tugon matapos matanggap ang sagot ng kampo ng Bise Presidente.

--Ads--

Nauna nang nag-convene ang Senado bilang impeachment court noong Lunes para sa paglilitis laban kay Duterte, na nahaharap sa mga reklamong culpable violation of the 1987 Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagbabanta umano laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya, at pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman.

Dalawang beses namang inaprubahan ng House of Representatives ang impeachment laban kay Duterte noong Mayo 11 sa botong 257–25.

Mariin namang itinanggi ng Bise Presidente ang lahat ng alegasyon na ibinabato laban sa kanya.