--Ads--

Ipinag-utos ni US President Donald Trump ang pag-atake sa mga military sites sa Venezuela noong Sabado ng umaga, Enero 3, 2026 (local time).

Kinumpirma ng mga opisyal ng Amerika ang inilunsad na strikes sa bansa. Kasabay nito, narinig ang sunod-sunod na pagsabog sa kabisera ng Caracas, at may mga hindi kumpirmadong ulat ng low-flying aircraft sa lungsod.

Bunsod ng insidente, ilang kalapit na komunidad ang nakaranas ng power outage.

Sa isang opisyal na pahayag, mariin namang kinondena ng pamahalaan ng Venezuela ang umano’y military aggression ng US.

--Ads--

Sa kasalukuyan, wala pang kumpirmadong ulat kung may nasaktan o nasawi dahil sa mga pagsabog.

Ang pag-atake ng US ay naganap sa gitna ng tumitinding tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa, na kaugnay sa isyu ng drug trafficking.

Samantala, sinabi ni Pangulong Donald Trump sa isang post noong Sabado ng umaga na ang Pangulong Venezuelan na si Nicolás Maduro at ang kanyang asawa ay “nahuli at inilipad palabas ng bansa,” kasabay ng pagkumpirma niya sa mga inilunsad na military strikes ng Amerika sa Venezuela.

“Matagumpay na naisagawa ng Estados Unidos ang malawakang pag-atake laban sa Venezuela at sa kanilang lider,” ayon kay Trump. Idinagdag niya na kasali ang mga ahensiya ng U.S. law enforcement, ngunit hindi niya tinukoy kung aling ahensya o paano isinagawa ang operasyon.

Nahaharap si Maduro sa kaso ng narcoterrorism sa isang korte sa Amerika simula pa noong 2020.

Ayon kay Trump, magbibigay siya ng karagdagang detalye sa isang press conference sa Mar-a-Lago sa ganap na 11 a.m. Eastern Time.