Nagtaas ng power rates ang Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 ngayong buwan ng Abril.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay April Agsunod, Cooperative Communication and Social Marketing Office Supervisor ng ISELCO 1, sinabi niya na mula sa dating ₱9.47 kada kilowatt per hour noong Marso ay nasa ₱10.23 na ngayon ang power rates.
Ang pagtaas ng singil sa kuryente ngayong Abril ay bunsod umano ng krisis sa Middle East na nagdulot ng pagtaas sa market prices pangunahin na sa generation charges.
Sa mga susunod na buwan ay maaari pang tumaas ang power rates dahil na rin sa mataas na demand sa kuryente kaya naman pinayuhan ni Agsunod ang mga consumer na maging masinop at magtipid sa paggamit ng kuryente.
Bagama’t may pagtaas sa power rates, nilinaw nito na bahagya lamang ang increase at nananatili pa rin ang ISELCO 1 bilang isa sa may pinakamababang singil sa kuryente sa buong Rehiyon Dos.











