--Ads--

Nag-isyu ng subpoena ang House Committee on Justice kay NBI Director Atty. Melvin A. Matibag kaugnay ng impeachment hearings laban kay Vice President Sara Duterte.

Inutusan ang NBI chief na dumalo sa pagdinig sa Abril 14, 2026 at magsumite ng mga rekord ng imbestigasyon ng NBI kaugnay sa mga umano’y banta ni Duterte na papatayin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ayon sa subpoena ad testificandum et duces tecum na may petsang Marso 31, 2026, kailangan magtungo si Matibag sa House of Representatives sa Quezon City sa alas-10 ng umaga at dalhin ang mga hinihinging dokumento, kabilang ang mga certified true copies ng lahat ng dokumento at larawan na nakalap ng NBI sa kanilang imbestigasyon.

Bilang bahagi ng imbestigasyon, layunin ng komite na makita ang mga ebidensiya at resulta ng imbestigasyon na may kinalaman sa mga banta.

--Ads--

Ayon sa House panel, ang subpoena ay inilabas sa ilalim ng awtoridad ng komite at pirmado ng mga kinauukulang opisyal ng Justice Committee at ng House leadership.