Arestado ang isang lalaking pinaghahanap ng batas matapos mauwi sa armed encounter ang pagpapatupad ng warrant of arrest ng pinagsanib na pwersa ng pulisya sa Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino.
Kinilala ang suspek na si alyas “Mario,” residente ng nasabing barangay, na nahaharap sa kasong Other Light Threats sa ilalim ng Artikulo 285 ng Revised Penal Code.
Bandang alas-9:30 ng gabi noong Mayo 2, 2026, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng Nagtipunan Police Station at 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company (QPMFC) sa Sitio Masug, Barangay Disimungal upang isilbi ang warrant of arrest laban sa suspek.
Habang papalapit ang mga operatiba sa tahanan nito, bigla umanong nagpaputok ang suspek gamit ang isang improvised shotgun, na nag-udyok sa mga pulis na gumanti ng putok bilang pagtatanggol sa kanilang sarili.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek kasama ang isa pang indibidwal. Sa naganap na engkwentro, nasugatan si Patrolman Jimboy Erang , 36-anyos, miyembro ng 2nd QPMFC. Agad siyang nabigyan ng paunang lunas sa Barangay Hall ng Disimungal bago isinugod sa Maddela District Hospital sa Diduyon, Maddela, Quirino sa pamamagitan ng Rescue 105 ng Nagtipunan. Kalaunan ay inilipat siya sa Santiago Integrated Medical Center (SIMC) sa Lungsod ng Santiago para sa mas masusing gamutan.
Agad namang nagsagawa ng tuloy-tuloy na hot pursuit operation ang kapulisan na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa kanyang ikalawang tirahan sa Sitio Sangbay bandang alas-6:30 ng umaga noong Mayo 3, 2026. Napag-alamang may tama ng bala sa kaliwang bahagi ng dibdib ang suspek na pinaniniwalaang nakuha sa naganap na engkwentro. Kaagad din siyang dinala sa Maddela District Hospital upang mabigyan ng kinakailangang medikal na atensyon.









