Nasampahan na ng kaso ang suspek sa pamamaril-patay sa isang Beauty Queen sa San Manuel, Isabela.
Matatandaan na pinagbabaril si Miss Earth Philippines 2013 runner-up Lullete Jane Ramilo Dela Cruz sa harapan mismo ng kanilang bahay noong ika-13 ng Pebrero na naging dahilan kanyang pagkasawi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niya na sa pamamagitan ng isinagawang imbestigasyon ng kapulisan sa pangunguna ng Special Investigation Task Group o SITG Ramilo, at iba pang yunit ng Pulisya ay natukoy ang isa sa mga suspek na nasampahan na ng kasong murder.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pagsisiyasat ng Pulisya upang makakalap ng karagdagang impormasyon at matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa krimen.
Tiniyak naman ni PCapt. Topinio na gagawin ng mga kapulisan ang kanilang makakaya upang mabigyan ng hustisya ang naiwang pamilya ng biktima.











