--Ads--

Nagdulot ng pinsala sa dalawang sasakyan ang isang vehicular accident na naganap sa kahabaan ng national highway sa Barangay Sillawit, Cauayan City, dakong alas-5:40 ng hapon, nitong Hunyo 10.

Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, nangyari ang insidente sa harap ng isang laundry shop sa nasabing barangay. Sangkot sa aksidente ang isang silver metallic na SUV na minamaneho ni Savero 41-anyos, OFW at residente ng Cauayan City, at isa pang silver metallic na pickup na minamaneho ni Ford, 18-anyos na estudyante at residente ng Barangay Sillawit.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na kapwa patungong timog o southbound, papuntang Alicia, Isabela ang dalawang sasakyan. Nauna ang SUV na mabagal umanong huminto sa gilid ng kalsada nang mabangga ito sa likuran ng kasunod na pickup.

Dahil sa insidente, nagtamo ng pinsala ang parehong sasakyan, bagama’t patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng mga nasira.

--Ads--

Wala namang naiulat na nasugatan sa aksidente at kapwa ligtas ang dalawang driver. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang detalye at sanhi ng insidente.