--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng isang menor de edad sa San Fermin, Cauayan City.  

Ang biktima ay kinilalang si Allan Badua, 38 years old, at residente ng Centro 2, Luna, Isabela habang ang pinaghihinalaan naman ay isang menor de edad na residente ng Cauayan City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumabas sa paunang pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na nag-iinuman ang mga suspek sa isang tindahan sa San Fermin,  Cauayan City.

Habang nag-iinuman ay may sinundan umanong babae ang pinaghihinalaan sa CR at hinalikan niya ito.

--Ads--

Agad namang nagsumbong ang babae at kinompronta naman ng biktima na isang tenant sa nasabing tindahan.

Kinuwelyuhan umano niya ang pinaghihinalaan ngunit gumanti ng saksak ang pinaghihinalaan gamit ang isang folded knife kung saan nagtamo ng dalawang saksak ang biktima sa tiyan at dibdib.  

Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima ng kaniyang kaibigan habang tumakas naman ang suspek at mga kaibigan nito sa hindi matukoy na direksyon ngunit kalaunan ay natunton din ng pulisya sa Brgy. Cabaruan.  

Nasa maayos nang kalagayan ang biktima ngunit patuloy pa ring inoobserbahan sa pagamutan kung kinakailangang sumilalim sa operasyon.