
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Tactical Operations Group o TOG 2, Philippine Airforce na nakahanda nang lumipad ang kanilang Search and Rescue Team na tutulong sa paghahanap sa apat na Philippine Coast Guard o PCG rescuers na patuloy na pinaghahanap matapos tumaob ang kanilang aluminum boat sa katubigang sakop ng Abulug, Cagayan noong araw ng Miyerkules, ika-dalawamput anim ng Hulyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Glen Piquero, Comannding Officer ng TOG2, sinabi niya sa ginanap na Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran o UP UP Cagayan Valley na naantala ang paglipad ng rescue team na mula sa Clark Airbase dahil sa masamang lagay ng panahon sa dadaanang lugar pangunahin na sa bahagi ng Dalton Pass na nagsisilbing pintuan sa pagtawid mula sa Central Luzon patungo sa Cagayan Valley.
Matatandaang papunta ang apat na rescuers sa bukana ng Cagayan River upang sagipin ang mga tripulanteng sakay ng isang pribadong tugboat nang tumaob ang aluminum boat na kanilang sinasakyan dahil sa malakas na hangin at malalaking alon sa kasagsagan ng Bagyong Egay.
Tiniyak naman ni Col. Piquero na kapag gumanda na ang lagay ng panahon ay agad silang lilipad upang tumulong sa paghahanap sa mga nawawalang PCG Personnel.










