Umaasa ang transport group na PISTON na papakinggan at agad aaksyunan ng mga mambabatas ang kanilang mga kahilingan kaugnay ng patuloy na krisis na kinakaharap ng sektor ng transportasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mody Floranda, chairman ng PISTON, sinabi niyang inilahad nila sa pagdinig ng House of Representatives ang kanilang mga panukala upang matugunan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Kabilang sa kanilang mga kahilingan ang P10 provisional fare increase at pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo upang maibsan ang gastusin ng mga tsuper at operator.
Ayon pa kay Floranda, malaki ang naging epekto ng sunod-sunod na oil price hike sa kanilang kita, kung saan hirap na umanong makabawi sa araw-araw na pasada ang maraming tsuper.
Dagdag pa niya, nakatakda pang magsagawa ng panibagong pagdinig ang Kongreso upang mapakinggan ang iba pang sektor at mas mapag-aralan ang mga salik bago magdesisyon sa mga panukalang tulong para sa transport sector.











