Arestado ang isang 40-anyos na tricycle driver matapos umanong mahulihan ng hinihinalang shabu sa isinagawang Anti illegal drug buy-bust operation ng Tumauini Municipal Police Station sa Purok 5, Barangay San Pedro, Tumauini, Isabela.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Ron,” at residente ng naturang bayan.
Ayon sa Tumauini Municipal Police Station, ikinasa ng mga operatiba ng Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU), sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nasamsam mula sa kanyang pag-iingat ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, kabilang ang buy-bust item at isa pang sachet na umano’y nasa kanyang posesyon.
Narekober din ng mga awtoridad ang buy-bust money, iba’t ibang personal na kagamitan na may kaugnayan sa operasyon, at isang itim na Euro motorcycle na may apple green na sidecar na pinaniniwalaang ginamit ng suspek.
Kasalukuyang nasa kostudiya na ng Tumauini Municipal Police Station ang suspek at Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











