Umani ng reklamo at pagkadismaya mula sa ilang tricycle driver sa Cauayan City ang ipinalabas na masterlist ng mga benepisyaryo ng ₱5,000 na ayuda matapos umanong maraming hindi nakasama sa listahan kahit maghapon pang pumila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jomer Melchor, isang tricycle driver, sinabi niya na marami sa kanyang mga kasamahan ang labis na nadismaya dahil buong araw silang naghintay ngunit hindi lumabas ang kanilang mga pangalan sa listahan, o kaya naman ay tila tinanggal umano ang mga ito.
Aniya, malaking kwestyon ang naging proseso ng pagpili ng mga benepisyaryo. Dagdag pa niya, ang naturang ayuda ay para lamang sa mga lehitimong tricycle driver, subalit driver’s license at form lamang umano ang hinihinging beripikasyon.
Iminungkahi ni Melchor na nararapat sanang hinihingan din ng kopya ng prangkisa ang mga aplikante upang matiyak na tunay na mga tricycle driver ang makatatanggap ng ayuda.
Giit pa niya, paano masisiguro na walang ibang nakinabang sa programa kung sapat na ang pagkakaroon lamang ng driver’s license bilang requirement.
Patuloy namang hinihiling ng mga apektadong driver ang mas malinaw at patas na sistema ng distribusyon ng ayuda upang matiyak na mapupunta ito sa mga tunay na benepisyaryo.











