Naniniwala ang research arm ng Fitch Solutions na BMI na masyadong ambisyoso ang target ng pamahalaan na makakolekta ng mas malaking buwis sa 2027, partikular ang inaasahang P860 bilyon collection mula sa value-added tax (VAT).
Ayon sa BMI, mahirap maabot ang naturang target dahil wala namang nakikitang malalaking reporma sa buwis na magpapataas nang malaki sa kita ng gobyerno.
Bagama’t inaasahang makatutulong ang mas mababang inflation at pagtaas ng minimum wage sa Metro Manila upang lumakas ang paggastos ng mga mamimili, sinabi ng BMI na maaaring hindi pa rin ito sapat upang maabot ang target na VAT collections.
Bahagi ang revenue target sa panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027 na isinumite ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso.
Nagbabala rin ang BMI na maaaring maging hamon ang pagkamit ng mga target na kita ng pamahalaan dahil inaasahan nitong lalago lamang ng 4.9% ang ekonomiya sa 2027, mas mababa sa 5 hanggang 6% target ng gobyerno.
Dagdag pa ng BMI, patuloy ding hamon sa ekonomiya ang lumalaking utang ng bansa at mga pandaigdigang panganib tulad ng tensyon sa Middle East na maaaring makaapekto sa koleksiyon ng buwis at paggasta ng pamahalaan.










