Nasawi ang dalawang katao habang sugatan ang isa pa matapos bumangga ang isang Toyota Vios sa likuran ng nakaparadang 10-wheeler truck sa Barangay Minante 2, Cauayan City, Isabela, bandang alas-tres ng madaling araw nitong Agosto 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Jerry Castillo, hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi nito na dead on arrival sa magkahiwalay na ospital ang driver ng kotse at isang babaeng pasahero nito.
Nasa ospital naman ang isa pang pasahero ng kotse at patuloy na inoobserbahan dahil sa tinamong malubhang injury.
Aniya, tatlo ang sakay ng kotse na bumibiyahe mula Cauayan patungong Lungsod ng Santiago. Taga-Santiago City ang driver habang taga-Cauayan City naman ang dalawang pasahero nito.
Hindi naman nasaktan ang driver ng 10-wheeler truck na may kargang palay at patungong southbound area.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng pulisya ang eksaktong sanhi ng aksidente dahil patuloy pa ang imbestigasyon.
Kabilang sa sinusuri ang posibleng lapses ng driver ng kotse at ng truck, pati na ang bilis ng takbo ng kotse, kondisyon ng kalsada, at epekto ng pag-ulan at madulas na daanan.
Tinitingnan din kung maayos na nakaparada ang truck at kung mayroon itong early warning device.
Umaasa naman ang pulisya sa posibleng CCTV footage mula sa mga establisimyento malapit sa lugar upang makatulong sa pagtukoy sa eksaktong pangyayari bago ang banggaan.
Samantala, sinabi ni PLt. Col. Castillo na inatasan na niya ang mga pulis na masusing sitahin ang mga truck na nakaparada sa gilid ng kalsada, lalo na sa mga kurbada, madilim at madulas na bahagi ng highway.
Ipinapaalala rin sa mga driver na pumili ng ligtas at maliwanag na lugar na paradahan, hangga’t maaari ay may CCTV at hindi nakahahadlang sa daloy ng trapiko.











