
CAUAYAN CITY – Posibleng masampahan ng kasong Reckless Imprudence resuting in Homicide ang tumakas na tsuper ng isang wing van truck na nakabangga sa isang motorsiklo na ikinasawi ng dalawang lalaki sa bayan ng Aritao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pcapt. Manny Pawid tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Office o NVPPO sinabi niya na tinakasan ni Alejandro Castro ang mga biktima matapos ang insidente.
Aniya, nakikipag ugnayan na ang may-ari ng truck sa pamilya ng mga biktima para sa posibleng ammicable settlement.
Matatandaang nasawi sina Norman Balangue, at residente ng Larosa, Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya at ang backrider nitong si Ryan Balangue matapos na makabanggaan ang isang wingvan.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, binabagtas ng motorsiklong sakay ng mga biktima ang national highway sa bahagi ng Barangay Banganan patungong Bambang nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nakasalubong nito ang wingvan truck na nagtangkang mag-overtake ngunit hindi napansin ang kasalubong na motorsiklo na nagdulot ng head-on collision.
Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng malalang sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na naging dahilan ng kanilang kamatayan.










