--Ads--

Muling nagsagawa ang Estados Unidos ng mga airstrike sa iba’t ibang bahagi ng Iran sa ikatlong magkakasunod na gabi, ayon sa US Central Command.

Iniulat ng mga Iranian media na may mga pagsabog na naganap sa lungsod ng Bandar Abbas at sa mga isla ng Kish, Qeshm, at Abu Musa.

Kasabay nito, ipinaalam ni US President Donald Trump sa US Congress na ipinagpatuloy na ng bansa ang militar operations laban sa Iran. Bilang tugon, nagsagawa rin umano ng mga pag-atake ang Tehran laban sa mga kaalyado ng Estados Unidos sa rehiyon at inihayag na tinamaan nito ang dalawang tinawag na rogue oil tankers.

Kinumpirma naman ng United Arab Emirates na dalawang tanker nito ang tinamaan ng mga missile ng Iran sa karagatang sakop ng Oman sa Strait of Hormuz, na ikinasawi ng isang tripulante at ikinasugat ng iba pa.

--Ads--

Samantala, inanunsyo ng US Central Command ang muling pagpapatupad ng naval blockade sa mga barkong papasok at palabas ng mga daungan ng Iran. Dahil dito, sumirit ng mahigit 9% ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Patuloy ring tumitindi ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos ang panibagong palitan ng mga pag-atake sa pagitan ng Saudi Arabia at ng mga Houthi rebel na suportado ng Iran sa Yemen.