
CAUAYAN CITY – Umabot na sa 13 Local Government Units (LGU) sa lalawigan ng Isabela ang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Angelo Naui, Provincial Veterenary Officer ng lalawigan ng Isabela, sinabi niya na kinabibilangan ito ng mga bayan ng Quezon, Roxas, Aurora, Luna, Mallig, Echague, San Mateo, Burgos, Cabatuan, San Manuel at ang lunsod ng Cauayan maliban pa sa mga mga bayan ng Alicia, at Angadanan na nagsasagawa na rin ng culling.
Ayon kay Dr. Naui, mayroon ng pitumpu’t anim na barangay ang apektado.
Dahil dito, umabot na rin sa 6,155 na baboy ang naibaon sa lupa habang may 921 na ring magsasaka ang naapektuhan.
Muling nanawagan si Dr. Naui sa mga LGUs lalo na sa mga barangay na paigtingin ang pagbabantay para makontrol ang ASF sa lalawigan at sumunod sa mga inilabas na executive order ng pamahalaang panlalawigan lalo na ang pagbabawal sa uraga system.
Bukod dito ay dapat ding paigtingin ng mga may-ari ng babuyan ang paglilinis at pag-iingat para hindi ito mapasok ng ASF.










