Inihayag ni US President Donald Trump na magbibigay ang Estados Unidos ng tulong sa pamamahala ng mga dadaang barko sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng langis sa Gitnang Silangan, matapos ang ceasefire sa tensyon sa rehiyon.
Ang strait ay isang pangunahing ruta ng langis at liquified natural na gas na vital sa global energy supply.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, habang maraming Amerikano ang sumusuporta sa hakbang ni Trump upang protektahan ang mga interes ng Estados Unidos at tiyakin ang tuloy-tuloy na daloy ng enerhiya, may ilan ding nag-aalala sa mga posibleng epekto ng patuloy na paglahok ng US sa mga tensyon sa rehiyon.
Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay nakaapekto na sa maraming bansa, partikular sa Asya.
Bagamat nagkaroon ng ceasefire sa digmaan ng US at Israel laban sa Iran at may mga pag-uusap sa pagbubukas ng strait, may mga eksperto na nagsasabing maaaring matagal pa bago bumaba ang presyo ng langis.
Ayon sa kanila, ang paggamit ng pwersang militar ay maaaring magpalala ng sitwasyon at magdulot ng mas malalang alitan sa rehiyon.
Habang ang mga mamamayang Amerikano ay may mga opinyon tungkol sa mga pagkilos ng US, may mga nagsasabing magdadala lamang ito ng komplikasyon sa internasyonal na ugnayan ng Estados Unidos.
Gayunpaman, umaasa ang marami na ang mga hakbang ni Trump ay magpapatibay sa seguridad ng global energy supply at magbibigay daan sa diplomatikong solusyon sa mga isyu sa Middle East.











