--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit isang libo ang naitalang vehicular accident ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC mula Enero hanggang ngayong Disyembre 2023.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC sinabi niya na umabot na sa 1,193 na vehicular accident ang kanilang naitala.

Siyamnaput apat dito ay naitala ngayong buwan ng Disyembre lamang at karamihan sa mga sangkot ay mga nakamotorsiklo na walang suot na helmet at mga nakainom ng alak.

Ilan sa mga naitalang aksidente ay may mga namatay na nadala pa sa CVMC ngunit binawian din ng buhay dahil sa mga malubhang sugat na kanilang tinamo sa aksidente.

--Ads--

Pinakamalalang sugat ng mga naaksidenteng walang helmet ay ang internal hemorrhage sa utak. May mga kaso ring nakasuot man ng helmet ang mga rider ay hindi nakalock kaya tumitilapon din ito at hindi nakatulong sa pagsalba sa buhay ng mga naaaksidente.

Ayon kay Dr. Baggao marami ang nagsasagawa ng christmas party kaya hindi rin maiwasan ang mga nagmamaneho ng lasing.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko na huwag nang magmaneho kung nakainom ng alak upang makaiwas sa aksidente.

Samantala inilunsad na ng CVMC ang kanilang monitoring para sa IWAS PAPUTOK na programa ng Dept. of Health o DOH.

Inilunsad ito kasama ang mga health emergency management staff ng CVMC, mga staff ng emergency room at nagtakda sila ng express lane para sa mga firecracker related incidents na maitatala ngayong kapaskuhan at bagong taon.

Hanggang ngayon naman ay wala pang naitatalang kaso ng mga nasabugan ng mga paputok.

Ayon kay Dr. Baggao magpapatuloy ang kanilang monitoring sa mga firecracker related incidents hanggang sa ikaanim ng Enero.

Samantala pinakamarami pa ring admissions na naitatala sa kanilang pagamutan ang mga normal deliveries at pumapangalawa ang mga sintomas ng Pneumonia tulad ng ubo, sipon at lagnat.

Ayon kay Dr. Baggao malaking problema ito lalo na at kumakalat na ang walking pnuemonia bagamat sa ngayon ay wala pa naman silang naitatalang kaso.

Sumunod sa pinakamaraming admission ang mga hypertension patients, mga atake sa puso at isa ang itinuturong rason kung bakit tumataas ang bilang ng mga pasyente ay dahil sa mga handaan ngayong holiday season.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko lalo na ang mga may high blood pressure at sakit sa puso na iwasan na ang mga matatamis o matatabang pagkain.