
CAUAYAN CITY – Pormal nang nanumpa sa kanyang tungkulin bilang bagong Punong Lungsod ng Tabuk si Vice Mayor Atty. Dick Bal-O kasunod ng pagkakasupinde sa pwesto ni Imcumbent Mayor Darwin Estrañero dahil sa kinakaharap na reklamong simple misconduct at Violation ng Anti-graft and Corruption Practices Act.
Ang reklamo laban kay Imcumbent Mayor Estrañero ay isinampa ni dating Vice Mayor Bernard Glenn Dao-as sa Ombudsman dahil sa overpriced procurement ng medical supplies sa kasagsagan ng Pandemya noong Marso 2020.
Sa kanyang reklamo, tinukoy ni Dao-as na bukod sa iba pang medical supplies ay bumili rin ang pamahalaang lunsod ng Thermal Scanner sa halagang 12,000 pesos bawat isa sa kabila ng mga inilabas na Price Freeze on Emergency Supplies ng DTI noong Marso, 2020.
Sinabi ni Dao-as na ang alkalde ay may pananagutang administratibo para sa sadyang pagpasok sa isang kontrata na lubhang taliwas sa pinaiiral na panuntunan ng Pamahalaan noong panahon ng pandemiya.
Sa desisyon noong Nobyembre 2022 ipinalabas ito ng Ombudsman noong Hunyo 2023 at pinatawan si Imcumbent Tabuk City Mayor Estrañero ng anim na buwang suspensyon.
Sa kaniyang talumpati inihayag ni Acting City Mayor Atty. Bal-o ang suporta para sa kanilang Punong Lunsod.
Aniya kailangang malaman ng publiko ang nilalaman ng batas dahil batay sa batas ang isang indibiduwal ay inosente hanggat hindi napapatunayang nagkasala.
Inihayag rin niya na bilang Acting City Mayor ay alam niya ang hangganan ng kaniyang mga tungkulin at hiniling din ang pang unawa at suporta ng kaniyang mga nasasakupan.










