--Ads--

Sa paglabas ng mga impormasyon kaugnay sa yaman ni VP Sara Duterte at ng kanyang asawa sa impeachment hearing ng House Committee, panahon na upang sagutin ito ng Bise Presidente at ipagtanggol ang kanyang sarili.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, isang constitutional expert, sinabi niya na matapos ilabas ng HCOJ ang mga datos ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng pangalawang pangulo, ay napag-alaman ang mga discrepancies at suspicious transactions na kinakailangang malinawan para sa publiko.

Lumabas sa pagdinig ang ulat na tumaas ng mahigit 1,000% ang net worth ng bise presidente mula 2007 hanggang 2024, mula ₱7.2 milyon ay umabot sa ₱88.51 milyon. Napansin din ng mga miyembro ng komite na mula 2019 ay hindi na umano nagdeklara si VP Sara ng cash on hand sa kanyang SALN, kahit patuloy ang pagtaas ng kanyang yaman.

Ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), natukoy ang 630 covered transactions at 33 suspicious transactions na may kabuuang halagang umabot sa ₱6.77 bilyon, na kinasasangkutan umano ni VP Sara Duterte at ng kanyang pamilya. Ayon pa sa ulat, nasa ₱4.4 bilyon ang pumasok sa mga account, ₱1.5 bilyon ang lumabas, at may humigit-kumulang ₱791 milyon na hindi matukoy kung inflow o outflow.

--Ads--

Binatikos naman niya ang pahayag ni Rep. Paolo Marcoleta na tanging korte lamang ang maaaring magsubpoena ng mga bank transactions ng sinumang indibidwal, lalo na ng bise presidente.

Giit ni Atty. Cayosa, dapat alam ng mga mambabatas na may legal, legitimate, at constitutional power ang Kongreso na magsubpoena ng mga dokumento.

Napaghahalata aniya na hindi nauunawaan ni Marcoleta ang iba’t ibang batas tungkol sa subpoena power, transparency, at confidentiality.

Dagdag pa niya, kapansin-pansin na tila binibigyan na lamang si Marcoleta ng pagkakataong magsalita ng kanyang kapwa mambabatas sa Kongreso, kahit alam ng mga ito na mali ang kanyang mga pahayag.

Giit niya, dapat nang dumalo ang bise presidente sa susunod na pagdinig upang masagot ang mga isyung lumabas sa huling hearing at malinawan ang publiko.