Hindi umano espesyal si Vice President Sara Duterte at hindi naiiba sa mga impeachable officials para magsagawa ng special session ang Senado para sa kanyang paglilitis, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Ayon kay Escudero, hindi espesyal ang posisyon ng Vice President maging ng Chief Justice o Ombudsman kaya walang dahilan para madaliin ang impeachment trial ng bise presidente.
Nauna rito, tiniyak ni Escudero na walang magaganap na impeachment trial habang naka-recess ang Kongreso.
Sinabi rin ni Escudero na hindi nagpapahayag ng intensiyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatawag ng isang special session para sa paglilitis ni Duterte.
Nilinaw din ni Escudero na wala siyang natatanggap ng requests mula sa mga nagsulong ng impeachment ni Duterte pero a-attend sila kapag nagpatawag ng special session.
Matatandaan na isinumite ng House ang berepikadong Articles of Impeachment sa huling araw ng sesyon kaya hindi nadala sa plenaryo ng Senado.