--Ads--

Ipinagtanggol ni Vice President Sara Duterte si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kasunod ng tensyon na naganap sa Senado nitong Miyerkules.

Sa isang panayam sa The Hague, sinabi ni Duterte na nalulungkot at nagagalit siya sa mga kasalukuyang kaganapan sa bansa, partikular sa tinawag niyang “kawalan ng respeto” sa institusyon ng Senado.

Binigyang-diin din ng Bise Presidente na wala umanong direktang hurisdiksyon sa Pilipinas ang mga foreign court at tribunal maliban na lamang kung ito ay kinikilala at ipinapatupad ng mga lokal na korte.

Idinagdag pa niya na ang pagsunod sa mga dayuhang utos nang walang lokal na proseso ay maaaring lumabag sa karapatan ng isang akusado sa ilalim ng Bill of Rights ng Konstitusyon.

--Ads--

Tinukoy rin niya ang naging pag-aresto at paglipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga foreign authorities bilang “extraordinary rendition” at hindi umano kusang pagsuko.

Ayon pa kay VP Duterte, alam ng dating Pangulo ang nangyayaring tensyon sa Senado matapos mapanood ang mga ulat sa telebisyon.

Ibinunyag din niya na nakausap niya si Sen. Dela Rosa kamakailan ngunit naputol ang kanilang pag-uusap dahil sa mga pulong. Sinubukan din umano siyang tawagan ng senador ngunit hindi siya nakasagot.

Patuloy umano siyang nakikipag-ugnayan sa mga kaalyado sa Senado upang makahanap ng paraan para maipakita ang suporta kay Dela Rosa sa gitna ng kontrobersiya.

Sa isyu naman ng impeachment complaint na ipinasa ng Kongreso, tumanggi siyang magbigay ng detalye at sinabing ang kanyang legal at impeachment teams ang bahala rito.