CAUAYAN CITY – Tumaas ng 1.7 meters ang water elevation ng Magat Dam dahil sa mga pag-ulan sa nagdaang araw at sa ngayon ay nasa 185 meters above sea level na ang water elevation.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Dept. Manager ng NIA-MARIIS sinabi niya na ito ay dahil sa mga pag-ulan sa nagdaang araw.
Dahil dito ay tumaas din ang bilang ng mga sakahan na kanilang mapapatubigan na nasa 84,000 hectares na mula sa dating pagtaya na nasa 74,000 hectares lamang.
Mas malaking ektaya naman ang halos napatubigan na ng NIA-MARIIS bagamat ang ilang mga magsasaka ay sinamantala ang mga pag ulang naranasan upang ihanda ang kanilang sakahan.
Sa kanilang pagtaya ay kakayaning i-sustain ang naipong tubig para sa cropping season ngunit pinaalalahanan pa rin ni Engr. Dimoloy ang mga magsasaka na magtipid sa tubig at gamit ng husto upang hindi masayang lalo na ngayong may banta ng El Niño Phenomenon.











