Pormal nang nag-convene ang Senado bilang impeachment court para sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte at inatasan itong magsumite ng sagot sa Articles of Impeachment sa loob ng sampung araw.
Naging maayos at mabilis ang pagbubukas ng impeachment court kumpara sa mga nakaraang deliberasyon, kung saan agad na nagsuot ng judicial robes ang mga senador matapos ihain ni acting Majority Leader Joel Villanueva ang mosyon upang i-refer ang Articles of Impeachment sa impeachment court.
Pormal namang nanumpa bilang presiding judge si Senate President Alan Peter Cayetano sa harap ni Camille Villar bago nito pinanumpa ang 22 senador bilang senator-judges.
Kapansin-pansin namang absent sa sesyon si Ronald dela Rosa.
Matapos ang panunumpa, iniutos ni Cayetano ang pagpapalabas ng writ of summons laban kay Duterte.
Ayon kay Cayetano, inaatasan ang Bise Presidente na magsumite ng kanyang sagot sa Articles of Impeachment sa loob ng non-extendible period na 10 calendar days mula sa pagtanggap nito.
Inatasan din ang Senate Sergeant-at-Arms na personal na ihatid ang summons at kopya ng Articles of Impeachment kay Duterte.
Sa pahayag naman ng defense team ni Duterte, sinabi nitong tatalima sila sa proseso at magsusumite ng kaukulang sagot alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na mga patakaran.
Kapag nakapaghain na ng sagot ang kampo ni Duterte, bibigyan naman ng limang araw ang House prosecution panel upang magsumite ng kanilang reply.
Sinabi rin ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na handa na ang prosecution panel na iharap ang kanilang mga ebidensya sa impeachment court sa mga susunod na araw.
Nilinaw din ni Cayetano na “calendar days” at hindi “working days” ang pagbibilang sa itinakdang panahon ng pagsusumite ng mga pleadings.
Tiniyak naman ng Senate President na hindi maaapektuhan ng impeachment proceedings ang regular na trabaho ng Senado sa paggawa ng batas.
Samantala, inilagay naman sa heightened alert ang kapulisan sa Metro Manila at Davao City bilang paghahanda sa posibleng kilos-protesta kaugnay ng impeachment trial.
Habang nagpapatuloy ang sesyon sa Senado, nagtipon din sa labas ng gusali ang ilang grupo upang manawagan ng patas at makatarungang pagdinig sa impeachment case laban sa Bise Presidente.











