Inihayag ng IBON Foundation na maaaring makatulong ang panukalang pagbibigay ng P5,000 na tulong pinansyal sa mga fresh graduates upang may magamit sa paghahanap ng trabaho, ngunit iginiit na isa lamang itong panandaliang solusyon o pansamantalang ginhawa.
Ang panukala ay inihain ni Sen. JV Ejercito upang suportahan ang mga bagong graduate habang naghahanap pa ng trabaho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, na makatutulong ang ayuda sa mga gastusin ng jobseekers tulad ng pamasahe at mga dokumento, ngunit binigyang-diin na mas malalim ang problema.
Ayon sa kanya, ang pangunahing isyu sa bansa ay ang kakulangan ng sapat at disenteng trabaho, hindi lamang ang kakulangan ng pondo ng mga fresh graduates. Kapag walang job opportunities, limitado pa rin ang epekto ng ganitong tulong.
Dagdag pa niya, hindi rin malinaw ang magiging mekanismo ng pamamahagi ng suporta, lalo na’t marami ang naghahanap ng trabaho at hindi pa tiyak ang patakaran nito.
Giit din ni Africa, mahalagang malinaw ang long-term goal ng panukala at kung ano ang susunod na hakbang ng pamahalaan kung walang makitang pagbabago matapos ang P5,000 na ayuda.
Paalala pa niya, dapat iwasan ng mga mambabatas ang mga “pampogi points” na panukala at maglatag ng mas pangmatagalan at epektibong solusyon sa tunay na problema ng trabaho sa bansa.











