--Ads--

‎Labis ang pasasalamat at pagmamalaki ng isang single mother matapos mag-uwi ng karangalan ang kanyang 12-anyos na anak sa isang international mathematics competition sa Bangkok, Thailand.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ibinahagi ni Ginang Myla Alberto na hindi niya maipaliwanag ang saya at pagmamalaki bilang ina sa tagumpay ng bunsong si Kristoff Kean Camello, ng Santiago City na nakasungkit ng Silver Medal sa katatapos na International Mathematical Olympiad (TIMO) nitong ika-pito ng Pebrero.

Aniya, hindi naging madali ang paghahanda at paglahok ng anak sa naturang kompetisyon. Ilang linggo bago ang nakatakdang pagbiyahe patungong Thailand, nagkaroon umano ng kuliti sa mata si Kean na nagdulot ng pangamba sa kanilang pagproseso ng mga dokumento para sa paglabas ng bansa.

‎Aniya, agad nila itong ipinagamot at umaasang gagaling sa loob ng 30 hanggang 40 araw, subalit umabot ng halos dalawang buwan bago tuluyang mawala ang impeksyon. Dahil dito, hindi na natuloy ang kanilang pagpunta sa Thailand at napagdesisyunan na lamang na online na lumahok ang bata sa kompetisyon.

--Ads--

‎Sa kabila ng pagbabago ng sitwasyon, sinabi ng ina na hindi nawalan ng determinasyon ang kanyang anak at ipinagpatuloy nito ang paghahanda. Ipinunto rin niya na walang naging tutor si Kian at sariling pagsisikap lamang ang naging sandigan nito sa pag-aaral.

Likas umanong masipag at disiplinado sa pag-aaral ang bata at marunong umunawa sa kanilang sitwasyon bilang pamilya. Bilang bunsong anak sa limang magkakapatid, lumaki umano si Kean na nakikita ang pagsisikap ng kanyang mga ate at kuya, tatlo sa mga ito ay nakapagtapos na ng pag-aaral.

‎Ibinahagi rin ng ina na noon ay nais ng kanyang anak na maging abogado, ngunit kamakailan lamang ay nagpahayag ito ng interes na maging engineer, bagay na aniya ay nakikita niyang angkop sa husay nito sa matematika.

‎Ayon sa kanyang ina, ang tagumpay na ito ay hindi lamang medalya kundi patunay na sa kabila ng mga pagsubok, may bunga ang sipag, tiyaga at paniniwala sa sariling kakayahan.

‎Si Kristoff Kean Camello ay kasalukuyang Grade 7 student ng University of La Salette High School Department at isa sa mga kabataang nagbigay karangalan sa Santiago City sa larangan ng akademikong kompetisyon.

‎Samantala, naghahanda na rin ang batang math achiever para sa panibagong international competition na gaganapin sa Hong Kong sa March 13-16, 2026.