CAUAYAN CITY – Pumalo na sa 95.39% o katumbas ng 1,654 barangay sa Lambak ng Cagayan ang naideklara na bilang drug cleared ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing.
Batay sa ulat ng Regional Community Affairs and Development Division, umabot na sa 95.39% ang bilang ng mga barangay na ligtas sa impluwensiya ng iligal na droga na resulta ng mga isinasagawang drug buy bust operation ng mga otoridad.
Mula July, 2016 hanggang Disyembre ngayong taon ay nasa 1,654 na ang naideklarang drug cleared mula sa 1,734 drug affected barangays.
Naitala sa lalawigan ng Isabela ang 99.18% at ang nalalabing 0.82% ay nanatiling drug affected.
Ang Nueva Vizcaya naman ay may 94.44% na sinundan ng Cagayan na may 92.49% habang ang Batanes ay may 75% at ang Santiago City ay may 26%.
Nanatili namang drug cleared ang lahat ng barangay sa probinsya ng Quirino.
Labimpitong barangay pa mula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya ang idideklarang drug cleared at isa sa mga ito ay provisionally cleared pa lamang.
Apat namang munisipalidad ang inaprubahan ng Regional Oversight Committee para maging drug cleared municipalities na kinabibilangan ng Gattaran sa Cagayan, Sta Maria at Sto Tomas sa Isabela at Kasibu sa Nueva Vizcaya.
Umaasa ang mga otoridad na patuloy na mapagtatagumpayan ang kampanya kontra sa iligal na droga sa pamamagitan ng magandang ugnayan sa mamamayan, kinauukulan at mga alagad ng batas.










