CAUAYAN CITY – Nagtamo ng sugat ang 17 tao sa karambola ng tatlong sasakyan sa Cabugao, Echague, Isabela.
Ang mga sangkot na sasakyan ay isang Izusu Dmax na minaneho ni Roger Alili Jr., 28-anyos, may sakay na tatlo kabilang sina Marygene Valdez, 30-anyos, negosyante, Alexandra Rose Alili, 5-anyos, at Roger Alili, labing isang buwang gulang pawang mga residente ng San Fabian, Echague Isabela.
Ang Suzuki Expression ay minaneho ni Melchor Simangan, 37-anyos, sakay sina Marco Agustin, 26-anyos, Rubilar Agustin, 49-anyos, Marcelo Simangan, Aschiel Simangan at Ciano Simangan pawang mga residente ng Distrct 2, Cauayan City.
Ang Suzuki Ertiga naman ay minaneho ni Eugene Rey Accad, 33-anyos, sakay sina Reunizel Accad, Brasel Accad, Betheny Accad, Rene Almonte, Elizabeth Almonte at Nida na pawang mga residente ng Cabaruan, Cauayan City.
Batay sa pagsisiyasat ng Echague Police Station, binabagtas ng pick up ang lansangan papuntang barangay Cabugao habang ang dalawang kotse ay nasa kasalungat na linya.
Papaliko sa Cabugao Junction ang pick up nang mabangga ng kotseng minaneho ni Simangan.
Dahil sa biglaang pagpreno ay nabangga naman ng sumusunod na kotse ang likuran ng sasakyan ni Simangan.
Agad na dinala sa Echague District Hospital ang mga sakay ng tatlong sasakyan na pawang nagtamo ng minor injuries habang dinala si Simangan sa Cauayan District Hospital.
Sa ngayon ay nakalabas na ng pagamutan ang mga biktima at hinihintay pa ng Pulisya ang pag-uusap ng mga sangkot na tsuper.










