--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang dalawang lalaki matapos na mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang elf truck sa Sitio Patkik, Brgy. Julongan, Kiangan, Ifugao.

Ang mga biktima ay ang driver na si Cesar Cadingpal Jr., tatlumpu’t siyam na taong gulang at mula sa bayan ng Kayapa, Nueva Vizcaya at ang helper nito na si Rene Cadingpal, dalawampu’t pitong taong gulang at residente ng Tinoc, Ifugao.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Kiangan Municipal Police Station galing sa Tinoc, Ifugao ang truck at magdedeliver sana ng mga bagong aning kamatis sa bagsakan sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon sa pulisya nasa pababang bahagi na ng kalsada ang truck at posible itong nawalan ng preno kaya bumulusok sa bangin na may lalim na halos tatlong daang metro.

--Ads--

Base sa imbestigasyon sinubukan pa ng driver na ibangga ang truck sa gilid ng bundok upang tumigil ang sasakyan ngunit nag tuloy-tuloy pa din ito.

Idineklara namang dead on the spot ang dalawang biktima matapos silang maipit sa nahulog na sasakyan.

Naging pahirapan ang pag-ahon sa mga labi ng mga biktima dahil malayo ang lugar at matarik din ang bangin.

Naiuwi na sa kani-kanilang mga pamilya ang labi ng mga biktima.

Hindi naman tiyak ng pulisya kung overloaded ang sasakyan nang mangyari ang aksidente.

Patuloy ang paalala ng pulisya sa publiko na ugaliin ang pag-iingat dahil madulas ang mga daan bunsod ng madalas na pag-ulan.