CAUAYAN CITY – Nasugatan ang dalawang tao matapos na banggain ng mini dumptruck ang sinusundang modernized jeepney sa Calamagui 2nd, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Letty Laggui, nakakita sa aksidente, sinabi niya na nawalan ng kontrol ang driver ng mini dumptruck na may kargang buhangin sa palusong na bahagi ng daan matapos nitong iwasan ang isang kuliglig.
Nagawa pang makabig ng tsuper ng mini dumptruck ang manibela subalit nabangga ulit nito ang gilid ng jeepney sanhi para sumadsad ito sa gilid ng kalsada at maararo ang nakaparadang tricycle at tatlong motorsiklo bago tuluyang bumangga sa waiting shed ng ISAT-TESDA.
Tatlo hanggang limang pasahero ang lulan ng mini bus bago ito mabangga ng mini dumptruck.
Nawasak naman ang likurang bahagi ng bus at dalawang pasahero ang nagtamo ng minor injury.
Agad namang dinala sa pagamutan ang mga pasahero ng mini bus kasama ang driver at kundoktor upang masuri at malapatan ng lunas ang dalawang nasugatan.










