Sugatan ang dalawang rider matapos magbanggaan ang kanilang minamanehong motorsiklo sa bahagi ng National Highway sa Barangay San Fermin, Cauayan City, nitong umaga ng Martes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa nakasaksi na si Ginoong William Notarte, sinabi nitong patawid umano sa kabilang bahagi ng kalsada ang isang Honda TMX nang salpukin ito ng paparating na Yamaha NMax.
Aminado naman na ang tsuper ng NMax na medyo may kabilisan ang kaniyang takbo nang mangyari ang salpukan.
Hindi rin umano nito napansin ang isa pang rider na papatawid sa naturang kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, kapwa tumilapon ang dalawang rider na nagresulta sa pagkakasugat ng mga sakay nito.
Nagtungo naman sa lugar ang mga kapulisan para sa pagsasagawa ng imbestigasyon.











