--Ads--

Kapansin-pansin na ang pagdami ng mga jeepney driver na pansamantalang humihinto sa pamamasada dahil sa pagkalugi sa araw-araw na biyahe.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Guillermo Sacollas, isang jeepney driver, sinabi niya na tinatayang halos 20% ng mga driver mula sa iba’t ibang grupo ang pansamantalang huminto sa pamamasada dahil hindi na nila kayanin ang patuloy na pagtaas ng gastusin.

Aniya, malaki ang ibinaba ng kanilang kinikita kumpara sa nakaraang mga buwan. Hindi na sapat ang kita upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan, kabilang ang mataas na presyo ng diesel at gastos sa maintenance ng sasakyan.

Dagdag pa niya, may ilang driver ang nagpatupad ng dagdag na ₱10 sa pamasahe upang kahit papaano ay makabawi sa gastos. Gayunman, nilinaw niya na hindi ito sapilitan at nakadepende pa rin sa pasahero kung magbibigay ng dagdag.

--Ads--

Inihayag din ni Sacollas na may ilan pang driver na kinokonsiderang tuluyang huminto sa pamamasada sakaling magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng diesel sa mga susunod na linggo.

Dahil sa patuloy na hamon sa kanilang hanapbuhay, napipilitan ang ilang driver na tumigil muna at maghanap ng alternatibong pagkakakitaan.

Umaasa ang mga driver na mabibigyan sila ng sapat na tulong at pangmatagalang solusyon mula sa pamahalaan upang maibsan ang kanilang kalagayan at makabalik sa maayos na operasyon.