--Ads--

‎Nasawi ang isang 29-anyos na lalaki matapos masangkot sa aksidente sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela bandang 10:01 ng gabi nitong Pebrero 11. ‎

‎Kinilala ang biktima na si Clarenz Mico Angelo Baniaga, residente ng Brgy. District 3, Cauayan City, na nagmamaneho ng isang Bajaj motorcycle na may berdeng sidecar. ‎ ‎

Samantala, ang driver ng pickup na kinilalang si alyas ‘Bal’, 34-anyos, residente ng Brgy. Sta. Barbara, Piat, Cagayan. Dinala ito agad sa himpilan ng pulisya para sa karagdagang imbestigasyon at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property. ‎

‎Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng motorsiklo ng biktima ang southbound lane patungong Cauayan City proper habang ang kasalubong nitong puting pick up na may pulang plaka ay patungong City of Ilagan. ‎

‎Pagdating umano sa tapat ng Bus Terminal, papaliko na sana pakaliwa ang biktima patungong sentro ng lungsod nang mabangga ito ng mabilis na paparating na pickup na umano’y walang nakabukas na headlight. ‎ ‎

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng matitinding pinsala ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Agad itong dinala ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue 922 sa pinakamalapit na hospital para sa agarang lunas, ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician. ‎ ‎

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang pinsala sa mga sasakyang sangkot sa insidente.