CAUAYAN CITY – Naglaan ang pamahalaan ng 4 billion pesos na pautang sa mga maliliit na negosyo upang maibigay ang 13th month pay ng kanilang mga manggagawa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Chester Trinidad ng Department of Labor and Employment (DOLE) region 2 na kailangang ibigay ang 13th month pay ng mga empliyado sa pribadong sektor dahil ito ang nakasaad sa batas.
Gayunman, dahil sa COVID-19 pandemic ay maraming maliliit na negosyo ang nalugi kaya naglaan ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng pondong ipapautang para maibigay ng mga employer ang bonus ng mga kawani.
Magtungo lamang ang mga may-ari ng mga maliliit na negosyo sa pinakamalapit na opisina ng DTI sa kanilang lugar.
Ayon kay Information Officer Trinidad, dapat bago ang ika-24 ng Disyembre ay naibigay na ang bonus ng mga empliyado.
Aniya, malalaman ng DOLE kung naibigay ang 13th month pay ng mga kawani dahil magsusumite ang mga employers ng report sa pinakamalapit na regional office ng DOLE hanggang sa ika-15 ng Enero 2021.
Ito ay para malaman kung sumunod sila at kung ilang empliyado ang nabigyan ng nasabing kapakinabangan.
Sa mga may katanungan aniya ay makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng DOLE.











