Limang karagdagang bangkay ang narekober ng mga awtoridad mula sa lumubog na MV Trisha Kerstin-3 sa karagatan malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan noong Martes, kaya umakyat na sa 51 ang bilang ng mga nasawi.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nagpatuloy ang underwater search and recovery operations ng kanilang technical divers. Natagpuan ang mga bangkay sa economy accommodation area sa unang deck ng barko, kabilang ang isang sanggol, isang bata, dalawang babaeng nasa hustong gulang, at isang binatilyo. Hindi pa tukoy ang kasarian ng dalawang menor de edad.
Ililipat ang mga labi mula Zamboanga City patungong Talabaan Cemetery para sa forensic processing. Hinikayat din ang mga pamilyang may nawawalang kaanak na magtungo sa nasabing sementeryo upang tumulong sa pagkilala sa mga biktima.
Matatandaang lumubog ang MV Trisha Kerstin-3 noong madaling-araw ng Enero 26 at natagpuan ito malapit sa Baluk-Baluk Island noong nakaraang linggo. Patuloy pa ang search and recovery operations para sa posibleng iba pang biktima.











