--Ads--

Arestado ang isang 52-anyos na lalaki matapos umanong magwala at magpaputok ng baril habang nasa impluwensya ng alak sa Barangay Calimaturod, Cordon, Isabela nitong madaling araw ng Mayo 11, 2026.

Ang suspek ay residente ng nasabing lugar na nahaharap ngayon sa kasong alarm and scandal at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCpt. Federico Tulay, Deputy Chief of Police ng Cordon Municipal Police Station, sinabi nitong nag-ugat ang insidente sa isang inuman na nauwi umano sa mainitang komprontasyon sa pagitan ng suspek at isa nitong kasamahan.

Ayon sa pulisya, sinubukan pa umanong awatin ng pinsan ng suspek ang dalawa upang hindi na lumala ang tensyon. Gayunman, habang naglalakad palayo ang suspek ay bigla umano itong nagpaputok ng baril sa ere na nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente ng lugar.

--Ads--

Dahil dito, mabilis na humingi ng tulong ang mga barangay tanod at opisyal ng barangay sa mga awtoridad.

Tinangka pa umanong tumakas ng suspek ngunit agad itong naaresto ng mga rumespondeng pulis. Nakumpiska mula sa suspek ang isang baril at isang basyo ng bala.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito.

Ayon kay Police Captain Tulay, wala namang naiulat na nasugatan o nadamay sa insidente ng pagpapaputok ng baril.