CAUAYAN CITY – Naitala ang 15 na bagong bagong kaso ng COVID-19 na kinabibilangan ng 9 na miyembro ng pamilya ng isang pasyente na naunang nagpositibo sa virus sa Lunsod ng Ilagan
Una rito, sa bisa ng Executive Order #64 na inilabas ng pamahalaang lunsod ay isinailalim sa limang araw na localized lockdown ang mga barangay ng Bliss Village, Malalam at Naguilian Sur mula ika-3 hanggang ika-8 ng Oktube.
Sa naging pahayag ni Mayor Josemarie Diaz, sinabi niya na batay sa talaan ng pamahalaang lunsod, 9 sa bagong kaso ay mula sa Bliss Village na miyembro ng pamilya ni CV1709 na COVID-19 positive.
Dalawang kaso naman ang naitala sa Naguilian Sur matapos makasalamuha si CV1707 na isang guro habang tatlo ang mula sa Purok 4, Malalam matapos makasalamuha si CV1715 na isang meat vendor sa lunsod.
Ayon kay mayor Diaz, inatasan na niya ang mga opisyal maging ang ibang ahensiya ng pamahalaang lunsod para sa contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga pasyente.
Kaugnay nito ay mahigpit na ipinapatupad ang mga panuntunan at health protocols sa ilalim ng localized lockdown at mahigpit na lilimitahan ang paggalaw ng mga residente upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa mga opisyal ng barangay sa Bliss Village, naisailalim na sa quarantine ang mga nakasalamuha ng isa sa mga kapatid ng nagpositibong pasyente sa kanilang barangay matapos na makipaglaro sa basketball.
Dahil dito, nagpaalaala ang mga kinauukulan na mahigpit na ipinagbabawal ang mga contact sports tulad ng basketball.
Hiniling din ng pamahalaang lunsod ang kooperasyon at disiplina ng bawat mamamayan sa lunsod para malabanan ang pagkalat ng COVID-19.












