--Ads--

CAUAYAN CITY- Puntirya ng DSWD region 2 na matapos na ang pay-out ng mga social pensioners sa buong rehiyon ngayong buwan ng Agosto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Chester Trinidad, Administrative officer ng DSWD region 2, sinabi niya na nakatakda nang isagawa ang pay-out sa mga bayan ng Amulung Aparri at Sanchest Mira sa Cagayan; Lunsod ng Cauayan, mga bayan ng Luna at Cabatuan sa Isabela.

Maliban dito ay puntirya rin ng DSWD region 2 na matapos ang payout sa mga coastal town sa rehiyon maging ang mga lugar na naabot lamang ng eroplano o bangka.

Pangungunahan ng mga kawani ng DSWD na mula sa Field office ang pagtungo sa iba’t ibang mga lugar sa rehiyon para magbigay ng kapakinabangan sa mga benepisyaryo na hindi pa nakakapag-payout.

--Ads--

Sinabi ni Ginoong Trinidad na inaasahan nilang magiging mabilis ang payout dahil ilang araw bago ito isagawa ay naabisuhan na ang lahat ng mga social pensioners.

Samantala Nagsimula na rin ang payout ng nasa mahigit tatlong daang social pensioner sa Itbayat, Batanes at inaasahang matatapos ngayong araw ng Biyernes.

Pinayuhan ng DSWD ang mga pensioner na may katanungan o reklamo kung bakit naalis ang kanilang pangalan sa listahan na magtungo sa kanilang tanggapan upang maipaliwanang itong mabuti sa kanila.