
CAUAYAN CITY – Isa ang patay at isa rin ang lubhang nasugatan sa banggaan ng SUV at trailer truck sa pambansang lansangan na bahagi ng Cabaruan, Cauayan City kaninang madaling araw.
Ang nasawi ay ang sakay ng SUV na si Roberto Mamauag, 17-anyos, binata, carwash boy, residente ng San Pablo, Cauayan City habang ang nasugatan ay ang tsuper ng SUV na si Jonas Christopher Baligod, 21-anyos, binata, negosyante at residente ng Magsaysay, Naguillian, Isabela.
Ang tsuper naman ng trailer truck ay si Denny Duque, 43-anyos, may asawa, tsuper at residente ng Alcala, Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, binabagtas ng trailer truck na may mga kargang palay ang timog na direksyon habang ang SUV ay patungong hilaga.
Umagaw umano ng linya ang SUV kaya nabangga nito ang kasalubong na trailer truck na bumangga naman sa gilid ng kalsada.

Nagtamo ng malalang sugat ang mga lulan ng SUV na dinala sa isang pagamutan sa lunsod ng Cauayan subalit idineklarang dead on arrival si Mamauag.
Nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station si Duque para sa kaukulang disposisyon.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Duque, sinabi niya na nabigla siya sa pangyayari dahil hindi naman mabilis ang kanyang patakbo.
Aniya, mabilis ang takbo ng SUV kaya ito nawasak.










