CAUAYAN CITY – Nilinaw ng pamunuan ng DOH Region 2 na wala pang kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa lambak ng Cagayan.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Mayor Bernard Dy ng lunsod ng Cauayan sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan na nakapagtala ang lunsod ng kaso ng Delta variant.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng DOH Region 2 na hindi delta variant kundi Alpha variant ang naitala sa lunsod ng Cauayan.
Nagkaroon lamang aniya ng miscommunication sa isang pagpupulong sa lunsod kaya nililinaw niya na hindi ito Delta variant kundi Alpha variant batay na rin sa datos ng DOH.
Sa mga ganitong pagkakataon aniya ay mahalaga na bawat bibitawang datos ay manggagaling sa DOH.
Aniya, kapag may datos ang DOH na nakapagtala ng anumang variant ng COVID-19 ang isang lugar ay agad nilang ipinapaalam sa naturang lugar para makapagsagawa ng contact tracing.
Ayon kay Dr. Magpantay, ang Delta variant ay mas mabilis maikalat dahil ang isang nahawa ay posibleng makahawa ng anim hanggang walo habang ang Alpha variant ay nasa tatlo lamang.
Sa ngayon ay nasa low risk category na ang lambak ng Cagayan dahil mababa na ang mga naitatalang kaso subalit kailangan pa ring maging mapagmatiyag lalo na at may naitatala na sa bansa na kaso ng Delta variant.
Kailangan aniyang sundin ang Prevention, Detection, Isolation, Treatment and Integration (PDITI) ng DOH para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Samantala, nasa 94% na ang nabakunahan sa mga health workers sa rehiyon habang 25% pa lamang sa mga Senior Citizens na malayong mababa sa puntirya nilang 70%.
Sinabi ni Dr. Magpantay na bunsod ito ng agam-agam kaya dapat makinig lamang sa mga payo ng kinaukulan tungkol sa bakuna.











