
CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit isang milyon ang nabakunahan kontra COVID-19 sa Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa inilabas na impormasyon ng Isabela Provincial Information Office, nasa 83.7% o 1,043,693 na ang nabakunahan ng first dose sa mga edad labingwalo pataas sa lalawigan habang nasa 75.1% naman o 964.415 ang second dose.
Nasa 48,776 o 4.9% naman ang hindi pa nababakunahan mula sa puntiryang populasyon na 1,257,227.
Sa mga bata naman o edad labimpito pababa ay 178,870 na ang nabakunahan ng first dose mula sa puntiryang populasyon na 353,221 habang ang hindi pa nababakunahan ay 49.4% o 174,351.
Hindi naman kabilang sa mga naturang datos ang lunsod ng Santiago.
Patuloy na hinihikayat ng pamahalaang panlalawigan na magpabakuna na ang mga hindi pa nababakunahan ng kontra sa COVID-19.
SAMANTALA mahigit siyamnapu na lamang ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Isabela.
Sa inilabas na impormasyon ng Isabela Provincial Information Office, mayroon na lamang siyamnapu’t apat na aktibong kaso ng naturang virus sa lalawigan matapos maitala ang dalawampu’t anim na gumaling at apat lamang ang naidagdag sa mga bagong kaso.
Nangunguna ang lunsod ng Santiago sa may pinakamaraming kaso na labing lima, sumunod ang bayan ng Ramon na may siyam, walo sa Jones, tig-aanim naman sa Angadanan, Echague at San Mariano.
Sa ngayon ay umaabot na sa 68,817 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa lalawigan, 66,491 ang gumaling habang 2,238 ang nasawi.










